Kahit saan ka yata lumingon may plastik.
Hindi ko tinutukoy yung kapitbahay mong laging nakangiti kapag ika’y kaharap.
Ang binabanggit kong bagay ay karaniwang gawa sa petrolyo sa pamamagitan ng
reaksyon ng mga kemikal. Naging bahagi na ito ng ating pang-araw-araw na
buhay dahil karaniwan itong ginagamit na materyal na pambalot o supot. Lalo
itong sumikat dahil ito ay mas magaan, mas mura at mas madaling gawin.
Lumang Kultura ng Pamimili
Bago pa nauso ang mga plastik na bag, ang mga tao noon ay namimili
at nagdadala ng mga bag na gawa sa tela. Ito ay tinatawag na burlap o
hessian at karaniwang yari sa natural na hibla ng halaman gaya ng saluyot,
abaka, saging, rattan, kawayan at iba pa.
Sa mga nagdaang dekada, unti-unting napalitan ng plastik ang papel
at tela bilang pambalot at bag dahil ito ay mas mura at mas maginhawang
gamitin. Ginagamit din ito sa pangagalaga ng mga pagkain at sa pagpapalaki ng
mga prutas at mga gulay sa kabila ng
pagdudulot nito ng polusyon sa ating kapaligiran.
Mga
Bantang Panganib ng Plastik sa Kalikasan
Marahil alam na rin natin ang mga posibleng masamang epekto sa
kalikasan ng plastik. Bukod sa ito’y madumi sa paningin, ang ga-bundok na basura
ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng tao, hayop at mga
halaman sa pamamagitan ng pagkalat ng mga iba’t-ibang sakit. Ang pagtatapon
naman nito sa kanal ay posibleng maging sanhi ng pagbara ng daluyan ng tubig na
maaaring magbunga ng mga pagbaha gaya na lamang noong nanalasa ang bagyong
Ondoy. Pinapababa rin nito ang antas ng pag-ulan sa lungsod. At ang huli,
binabawasan nito ang pagkamayabong ng lupa.
Minsan, nakakain ng ibang hayop ang mga plastik na nagiging sanhi
ng kanilang pagkamatay. Gaya na lamang ng mga isda napagkakamalang pagkain ang
mga kalat sa dagat o ilog.
Lahat
Bawal?
Kailangan
bang tuluyang ipagbawal ang plastik? Iyan ang tanong ng karamihan. Sa ngayon,
kumu-konsumo ang buong mundo ng humigit-kumulang na 100 milyong tonelada nito.
At ang bilang na ito ay patuloy na tumataas dahil na rin sa paglobo ng ating
populasyon. Sa Pilipinas, maraming batas ang naipasa ukol sa wastong
pangangasiwa ng mga basura ngunit kulang sa ngipin ang pagpapatupad nito.
Mga
Batas Laban sa Paggamit ng Plastik
Naipasa ang isang kaukulang
batas na kumukontrol sa paggamit ng mga plastik bag sa mga
pamilihan. Sa ngayon, hindi bababa sa 20 lungsod ang nagpasa ng
iba’t-ibang uri ng restriksyon sa paggamit ng plastik. Sa buong Metro Manila,
kabilang ang mga lungsod ng Quezon, Maynila, Pasig, Marikina, Las PiƱas, Muntinlupa, Pasig at Mandaluyong. Mayroon na
ring mapa na
magpapakita kung saan sa Pilipinas ang nagpapatupad ng pagbabawal ng plastik.
Sa pribadong sector, isa ang grupong EcoWaste
Coalition na nanghihikayat sa buong komunidad na isulong ang mga
pangmatagalang solusyon sa basura at pagbabago ng klima na kinahaharap ng
Pilipinas at ng buong mundo.
Mga Suliranin
Mayroong
mga grupo sa industriya ang nagbuklod upang tuligsain ang pagbabawal sa
paggamit ng plastik ng mga lokal na pamahalaan. Sinubukan nilang i-anunsyo sa
mga pahayagan ang kanilang pagtutol. Kinuwestiyon nila dito ang kredibilidad ng
mga bag na gawa sa papel at sinabing “mas maraming ginagamit na tubig sa
paggawa ng papel kaysa plastik”. Wika nila, ang isang galong tubig ay
nakakagawa lamang ng isang papel na bag habang 116 plastik bag naman ang
nabubuo nila. Dumodoble ang emisyon ng karbon dahil kailangang pumutol ng 17
puno para lamang makagawa ng isang toneladang papel. Mas mabigat diumano ng
600% ang basurang dulot ng papel kaysa plastik.
Iginiit
pa nila na hindi patas ang pagsisi sa mga plastik bilang sanhi ng kalat at
problema sa basura. Dagdag pa ng grupo na nais nilang palawakin ang kamalayan
ng taumbayan sa pagbabawal ng plastik. Subalit, bunsod na rin sa pagiging
popular ng mga restriksyon sa paggamit ng plastik, minabuti na lamang ng ibang
miyembro na suportahan ang batas na nagpapataw ng multa sa mga bag bilang
alternatibo.
Nangangamba
naman ang mga grupo ng obrero, na bahagi ng industriya ng paggawa ng plastik,
na maaaring marami sa kanila ang mawalan ng trabaho dahil sa pagbabawal na ito.
Sa kabilang banda, sinang-ayunan naman ng mga grupo ng negosyante at mga
may-ari ng mga mall ang naturang mga ordinansa ng iba’t-ibang lokal na
pamahalaan.
Ang
Kalutasan
Paano nga ba mareresolba ang problemang ito? Para sa akin, ang
solusyon ay namamalagi sa:
1. Mahigpit
na pagpapatupad ng batas ng mga kinauukulan at pagkakaroon ng disiplina ng
lahat ng mamamayan;
2. Pagkakaroon
ng sapat na edukasyon at kasanayan sa wastong
pamamahala ng basura at pagtapon;
3. Pagtangkilik
sa mga alternatibong materyal sa plastik;
4. Pagkakaroon
ng pondo sa pananaliksik at pagtuklas ng mga alternatibong materyal na mas mura
at hindi nakakapinsala sa kalikasan;
5. At ang pagkontrol
ng populasyon ng ating bansa.